Hindi hinangad ng liderato ng Kamara na insultuhin ang Hugpong ng Pagbabago (HNP) party ni Davao City Mayor Sara Duterte matapos na tanggalin si Davao City Rep. Isidro Ungab bilang chairman ng House appropriations committee.
Dipensa ito ni Speaker Alan Peter Cayetano matapos na magdesisyon na palitan si HNP member Ungab ni ACT-CIS party-list Rep. Eric Yap.
Ayon kay Cayetano, “untenable” o hindi na maayos ang kanilang working relationship ni Ungab.
Nauna nang binatikos ng HNP ang rigodon na sinapit ni Ungab at iginiit na ito ay “grossly unacceptable” at “disadvantageous” para sa reform agenda ng Duterte administration.
“Nirerespeto ko ‘yung statement. ‘Yung partido na ‘yun ay napakaimportanteng partido sa koalisyon… But it is in no way a move against the party,” ani Cayetano.
“The reason sa pagtanggal ni Chairman Sid is simple lang: untenable working relationship – meaning, ‘yung working relationship, hindi na productive. So I will just leave it at that,” dagdag pa nito.
Sa kanyang nalalabing panahon bilang lider ng Kamara, sinabi ni Cayetano na hangad niyang gawin ang lahat ng kanyang makakaya upang sa gayon ay maging maganda ang kanilang working relationship.
Subalit sinagot ito ng HNP na ang pagtanggal kay Ungab ay itinuturing nila bilang insulto sa hindi sa partido kundi kay Pangulong Rodrigo Duterte mismo.
“He (Ungab) was specifically chosen by President Duterte as chairman of the committee and the last time we checked, the President never ordered the removal of Ungab,” bahagi ng statement na inilabas ng HNP.