Tila nagsilbing eye opener para sa Office of the Civil Defense ang pagtama ng magnitude 7.6 na lindol sa malaking bahagi ng Japan nitong Enero 1, 2024.
Ayon kay OCD administrator, Usec. Ariel Nepomuceno ang pagtama na ito ng malakas na lindol sa Japan ay isang paalala na dapat ay tuluy-tuloy ang ginagawang pagsusumikap ng ating bansa sa paghahanda laban sa mga banta ng lindol at iba pang kalamidad o krisis na posibleng tumama sa Pilipinas sa pamamagitan ng whole-of-government at whole-of-nation approach.
Kaugnay nito ay binigyang-diin ng opisyal ang kahalagahan ng pagkakaroon ng collective effort sa prevention, mitigation, at preparedness activities ng pamahalaan para sa layuning pagbuo ng isang ligtas at disaster resilient na bansa.
Samantala, kasabay nito ay nagpahayag din ng kahandaang tumulong ang OCD kasama ang iba pang mga ahensya ng pamahalaan para sa response operations ng Japan bilang pagtugon na rin sa naging pronouncement ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sabi ni Nepomuceno ay magpapatuloy ang kanilang tanggapan sa pagmomonitor ng sitwasyon at pagsasagawa rin ng kaukulang arrangement para sa anumang suportang maaaring maipaabot ng ating bansa.
Kasabay nito ay nagpahayag din ng pakikipagsimpatya ng kagawaran sa Japanese government na isa sa mga closest partners ng ating bansa pagdating sa usapin ng disaster risk reduction and management.