-- Advertisements --
image 2

Tinitignan na ng Department of Agriculture (DA) ang dahilan ng pagtaas ng presyo ng mga produktong baboy sa merkado na kadalasan aniya ay mababa ang demand kapag ganitong panahon ng Semana Santa.

Base kasi sa nakalipas na mga taon, ang pagkain ng isda at seafoods ang mabenta kapag ganitong lenten season kasabay ng fasting o pag-aayuno at pangingilin mula sa karne ng mga Katoliko lalo na tuwing araw ng Biyernes o sa Good Friday.

Sa price monitoring ng DA nitong katapusan ng Marso sa mga palengke sa Metro Manila, ang kada kilo ng pork ham o kasim ay mabibili mula P290 hanggang P350 kada kilo mas mataas kesa sa nakalipas na Marso 24 na naglalaro ang presyo sa P270 hanggang P340 kada kilo

Ayon kay Assistant Agriculture Secretary Rex Estoperez, ilang mga retailer ang nagrereklamo na nagtaas ang kanilang suppliers ng P5 sa presyo ng karneng baboy simula ngayong araw, Abril 1.

Ginawa nga ng DA official ang naturang pahayag matapos na sabihin ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr na ang inflation o bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo ang nananatiling pinakamalaking suliranin ng gobyerno bunsod ng paggiging labis na pagdepende umano sa importasyon kung saan napapabayaan ang agrikultura sa matagal na panahon.

Sinabi pa ni Estoperez na kanila ng inaanalisa kung ang paghigpit ng pressure sa presyo ng baboy ay dulot ba ng pagbaba ng poultry production sa bansa dahil kalimitan naman aniya na kapag Holy week ay bumababa ang presyo ng karneng baboy at manok.

Posible naman aniya na ito ay dahil sa maliliit na hog raisers na karaniwang binabawasan ang kanilang output dahil madaling kapitan ng sakit ang mga baboy kapag ganitong mainit ang panahon.

Tiniyak naman ng opisyal sa publiko na ginagawa ng pamahalaan ang lahat ng hakbang para ma-contain ang sakit na African Swine Fever (ASF) sa mga baboy na unang kumalat sa bansa noong 2019 na nagpabagsak sa hog industry.