-- Advertisements --

Nagbabala ang isang grupo na nagmomonitor ng flight risks na posibleng tumaas ang banta sa mga American airline operators sa Middle East, matapos bombahin kamakailan ng Estados Unidos ang mga nuclear sites ng Iran.

Bukod pa rito ang mga serye ng palitan ng missiles sa pagitan ng Israel at Iran, na iniiwasan ng mga airline.

Dahil dito maraming mga airlines na ang nagkansela ng kanilang flight patungong Dubai matapos ang security assessment.

Matapos ang isang serye ng missile attacks ng Iran, pansamantalang binuksan ng Israel ang kanilang airspace nang anim na oras nitong Linggo para makauwi ang mga turistang na-stranded dahil sa matinding sigalot.

Ayon naman sa Safe Airspace na maaaring lumala ang panganib sa mga U.S. airline operators dahil sa posibleng maghiganti ang Iran laban sa interes ng militar ng Amerika sa rehiyon.

Ipinakita rin ng FlightRadar24 na pinipili ng ilang mga airline ang mga alternatibong ruta sa hilaga ng Caspian Sea o via Egypt at Saudi Arabia, kahit pa mas malaki ang gastos sa gasolina at mas mahaba ang biyahe.

Samantala, marami na rin ang nagsuspinde ng flight sa mga apektadong bansa, habang nagpapatuloy naman ang mga evacuation flight mula sa mga kalapit bansa.

Bukod sa rerouting, nag-aalala rin ang mga airline sa posibleng pagtaas ng presyo ng langis dahil sa pag-atake ng U.S., na magpapataas ng gastos sa jet fuel.

Bago pa man ang mga U.S. strikes, kinansela na ng American Airlines ang mga flight papuntang Qatar at mga papuntang Dubai.