-- Advertisements --

Aminado ang Malacañang na marami pang dapat gawin sa pandemic response sa Pilipinas.

Ito ay matapos sumampa sa 900,000 ang kabuuang kaso ng coronavirus disease sa bansa.

Binigyang-diin ni Presidential spokesman Harry Roque ang kahalagahan ng testing, tracing, isolation, treatment at vaccination subalit umapela rin ito sa publiko na gawin din ang kanilang parte laban sa pandemic.

Umapela rin ang opisyal sa lahat ng sektor na magkaisa at tulungan ang gobyerno na tuldukan ang nararanasang health crisis.

Ayon kay Roque, hindi lang naman ang Pilipinas ang nakararanas nang patuloy na pagtaas ng coronavirus cases pero hindi na raw maaalis sa mga kritiko at tutol sa kasalukuyang administrasyon na palaging may mapuna.

Sa kabila nito, ipinagmalaki pa rin nito ang ginagawang hakbang ng gobyerno ukol sa test, trace, isolate, at paggamot sa mga taong may sakit.

Pagdating daw sa tracing ay pinaganda at inayos umano ng gobyerno ang paggamit ng Staysafe.PH system na official contact tracing application ng bansa. Ang automatic contact tracing aniya ay mas pinaganda pa sa pamamagitan ng text messaging system, gayundin ang deployment ng 27,672 contact tracers sa National Capital Region-plus.

Sa isolation naman, ayon kay Roque na tuloy-tuloy lang ang ginagawang pagtatayo ng mga pasilidad at mobile hospitals ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para dagdagan ang quarantine facilities sa bansa.

Aabot naman ng 1,365 healthcare workers mula Visayas at Mindanao ang pinadala sa iba’t ibang pasilidad sa Metro Manila para tumulong sa pangangalaga sa mga COVID-19 patients.