Kinuwestiyon ni ACT Teachers party-list Rep. France Castro ang pataas ng proposed alokasyon ng Department of National Defense (DND) para sa personnel benefits.
Sa budget briefing sa Kamara, tinukoy ni Castro na 21,640% ang itinaas ng alokasyon para sa personnel benefits ng DND sa susunod na taon kung ikukumpara sa 2020 General Appropriations Act.
Sa kanilang 2021 proposal, kabuuang P235,017,000 ang inilalaan ng DND para sa personnel benefits, na hindi hamak ay mas mataas kung ikumpara sa P1,081,000 budget ngayong taon.
Pero ayon kay Lorenzana, ang pagtaas na ito ay gagamitin sa hiring ng military at civilian personnel, partikular na sa Armed Forces of the Philippines.
Sinabi rin nito na ang naturang halaga ay gagamitin para sa increase sa salaris at benefits ng mga sundalo.
Pangatlo, ayon kay Lorenzana, gagamitin din ang pera para sa terminal leave at retirement gratuity benefits ng mga sundalo.
Sa kanyang presentasyon, kabuuang P283.2 billion ang budget na hinihiling ng DND.