Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na sisimulan na nito ngayong buwan ang pagsusuri sa mga body cameras bago nito tuluyang ipamahagi ang mga ito sa hanay ng kapulisan sa Disyembre 2020.
Ito’y tatlong taon matapos mamatay sa ilalim ng kustodiya ng mga pulis ang binata na si Kian Delos Santos.
Dahil dito ay nagkaroon ng suhestyon na dapat ay may suot na body cameras ang mga otoridad sa kanilang operasyon.
Sa isinagawang budget hearing ng senado, sinabi ni PNP chief Gen. Camilo Cascolan na kanilang sisimulan sa Oktubre 12 ang functional testing at valuation ng mga body cameras.
Kailangan muna raw nilang siguraduhin na na papasa sa evaluation ang mga nasabing gadgets bago ito ipamahagi sa mga units na may kaugnayan sa anti-drug activities.
Una nang sinabi ng PNP noong 2017 na bibili ito ng 175,000 body cameras makaraang masangkot sa isyu ang naturang ahensya sa pagkamatay nina Kian Delos Santos at Carl Angelo Arnaiz na pinaniniwalaang nagtutulak ng droga kahit kulang naman ang ebidensya sa nasabing alegasyon.