Itataon daw ng Department of Justice (DoJ) sa kaarawan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos sa Setyembre 13 ang pagsusumite nila ng listahan ng mga persons deprived of liberty (PDLs) na posibleng mabigyan ng executive clemency.
Sinabi ni DoJ Spokesperson Mico Clavano na naging tradisyon na raw taon-taon ng DoJ na magbigay ng listahan ng PDLs na puwedeng palayain kada Pasko.
Ngayong taon, nasa 300 PDLs daw ang posibleng beneficiaries ng executive clemency.
Ang listahan naman ng mga PDLs na irerekomendang palayain ay mula sa Board of Pardons and Parole.
Pero nasa Office of the President (OP) pa rin daw at ang Office of the Executive Secretary ang mamimili kung sino ang kanilang bibigyan ng executive clemency.
Pero paglilinaw naman ni Clavano na ang mga PDLs na nakakumpleto na ng kanilang sintensiya sa ilalim ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) ay otomatiko nang papalayain.
Ang GCTA ay naibababa depende sa naging conduct ng mga inmates sa pagsunod sa rules at regulation sa loob ng piitan.
Titignan naman daw muna ng DoJ ang listahan kung mayroong malalaking pangalan o mga high profile inmate na kasama sa irerekomendang mabigyan ng executive clemency.