-- Advertisements --

Tiniyak ng liderato ng Mababang Kapulungan na mabilis silang aaksyon upang maghatid ng agarang tulong sa publiko, kasabay ng buong pagsuporta sa idineklarang state of national energy emergency ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ayon kay House Speaker Faustino Bojie Dy III, bahagi ng kanilang mabilis na pagtugon ay ang paglagda at pormal na pagpapadala sa Senado ng panukalang naglalayong suspindihin ang excise tax sa mga produktong petrolyo.

Matatandaang naglabas ang Pangulo ng Executive Order No. 110 upang isailalim ang buong bansa sa national energy emergency.

Ito ay bunsod ng nakaambang panganib sa suplay ng enerhiya at patuloy na pagsirit ng presyo ng langis na pinalala ng tensyon sa Middle East.

Paliwanag ng mambabatas , napapanahon at kailangan ang hakbang ng punong ehekutibo upang unahan ang krisis bago pa man ito tuluyang magpahirap sa mga Pilipino.

Nagbabala rin si Dy na kapag tuluyang naantala ang suplay ng enerhiya, malawak ang magiging epekto nito sa pang-araw-araw na pamumuhay ng mga mamamayan.