-- Advertisements --

Tanggap na ng kampo ni Presumptive President Joe Biden ang pagsisimula ng transition process sa pagitan nila ni President Donald Trump bilang paghahanda sa kaniyang panunumpa sa tungkulin sa Enero 20, 2021.

Sa isang pahayag, sinabi ng kampo ni Biden na ang naturang desisyon ay kinakailangan upang masimulan nang talakayin ang iba’t ibang pagsubok na maaaring kaharapin ng Estados Unidos.

Kasama na rito ang pagkontrol sa nagpapatuloy na coronavirus pandemic at muling panunumbalik ng ekonomiya ng bansa.

Bago ito ay isinapubliko na rin ni Biden ang kaniyang magiging foreign policy at national security team, kung saan kabilang dito ang ilan sa kaniyang matagal na niyang nakasama sa pulitika mula noong Obama administration.

Inaasahan na itatalaga nito si Anthony Blinken bilang secretary of state, John Kerry bilang climate envoy habang napipinto namang italaga si Janet Yellen bilang kauna-unahang babaeng treasury secretary ng US.