Pinag-aaralan na rin ng Philippine Army na magkaroon ng joint military exercises sa Russian forces.
Ito’y matapos bumisita sa Russia si Philippine Army Commanding General Lt Gen. Macairog Alberto sa Ground Forces of the Russian Federation sa Moscow noong nakaraang Linggo.
Ayon kay Alberto, bukas siya na magkaroon ng joint military exercises ang dalawang Army forces.
Kabilang sa tinalakay sa pagpupulong nina Alberto at sa kanyang counterpart na si Russian Ground Forces Army Gen. Oleg Salyukov, ay ang bilateral military cooperation, pagsasanay ng Filipino servicemen sa Russian military schools at partisipasyon ng Philippine teams sa International Army Games.
Sinabi ni Alberto, kung may pagkakataon ang Philippine Army na magsanay sa ibang mga armed forces kabilang ang Russia, welcome ito sa kanila bilang bahagi ng “military diplomacy.”
Marami aniyang matututunan ang mga sundalong Pinoy sa kasanayan ng Russian Army kontra sa terorismo.
Dagdag nito na bukas din ang Philippine Army sa posibilidad na bumili ng Russian helicopters sa hinaharap para sa Army aviation battlion, kung makikilahok ang Russia sa regular bidding process.