-- Advertisements --
image 232

Pormal nang binuksan ng Philippine Army ang Candidate Soldier Course Class 764-2023 sa Army Artillery Regiment’s headquarters sa Fort Magsaysay, Nueva Ecija.

Ito ay para sa pagsasanay ng mga bagong recruit na candidate soldiers ng naturang hukbo sa pangunguna mismo ni Headquarters and Headquarters Support Group Commander Brig. Gen. Moises Nayve Jr., bilang guest of honor at speaker ng idinaos na opening ceremony ng nasabing aktibidad.

Sa kaniyang talumpati ay binigyang-diin ng opisyal na ito ay bahagi ng modernization ng Philippine army na mayroong mahalagang papel sa pagtitiyak ng seguridad ng bansa.

Sa datos, aabot sa kabuuang 180-strong candidate soldier applicants ang matagumpay na nakapasa sa iba’t-ibang pagsusulit na sumubok sa kanilang physical strenth.mental ability, at emotional stability bago sumabak sa formal training.

Ang naturang bilang ay kinabibilangan din ng nasa 154 na mga bagong recruit na sundalo sa 2nd Infantry “Jungle Fighter” Division na sasailalim din sa naturang pagsasanay, kung saan 8 sa mga ito ay babae, habang nasa 146 naman ang mga lalaki.

Ang mga ito ay nakatakdang sumabak sa 16 na linggong Basic Military Training at pitong linggong specialization training na Infantry Orientation Course sa loob ng 2nd Division Training School.

Layunin nito na maturuan at magabayan ang mga bagong recruit na maging isang propesyunal na sundalo at upang ihanda rin ang mga ito sa pagdedeploy sa iba’t-ibang yunit ng 2ID kung saan magagamit nila ang kanilang mga natutunan sa loob ng training school.

Samantala, saksi naman sa programang ito sina 2ID Assistant Division Commander Brigadier General Jose Augusto V Villareal; 2nd Division Training School Commandant Lt. Colonel Jericho Sasing, kasama ang general, special at personal staff ng dibisyon at mga kaanak at kaibigan ng mga bagong recruit.