Ipinaliwanag ni Solicitor General Menardo Guevarra na nasa pagpapasya na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagsasampa ng environemental charges laban sa China kaugnay sa umano’y paggamit ng kanilang mangingisda ng cyanide sa Bajo de Masinloc sa West PH Sea.
Ginawa ng SolGEn ang naturang pahayag bilang tugon sa naging anunsiyo ni Pangulong Marcos na ikokonsidera ng pamahalaan ang paghahain ng kaso laban sa China kung mapatunayang gumamit talaga ng cyanide sa pangingisda ang mga Tsinong mangingisda sa WPS.
Saad pa ni SolGen Guevarra na ang mandato ng OSG ay magpresenta ng mga legal option sa gobyerno ng Pilipinas subalit ang desisyon para simulan ang anumang legal na aksiyon ay nakadepende na sa Pangulo sa pamamagitan ng pakikipag-konsulta sa National Task Force on the WPS.
Ipinunto din ng top lawyer ng pamahalaan na dapat maberipika muna ang mga alegasyon bago magpatuloy ang PH sa paghahain ng mga kaso kung saan isa nga sa kanilang ikinokonsidera ay ang paghahain ng reklamo para sa environmental damage.
Sakaling makumpirma ang iligal na aktibidad ng mga mangingisdang Tsino sa Lugar, makikipagtulungan ang OSG sa iba pang ahensya ng gobyerno para bumalangkas ng legal na aksiyon na dapat ay suportado ng matibay na ebidensiya na maihaharap sa paglilitis ng anumang international tribunal.