DAGUPAN CITY — “Dapat gawing boluntaryo ang pagrerehistro ng mga SIM cards.”
Ito ang pahayag ni Carlos Nazareno, Director for Rights, Democracy.Net.PH, sa naging panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan hinggil sa Republic Act No. 11934 o ang SIM Card Registration Act na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong nakaraang Lunes, Oktubre 10, 2022.
Binigyang-diin nito na bagamat maganda ang layunin ng naturang batas, partikular na sa pagpigil sa paglaganap ng mga krimeng may kinalaman sa mga text spams at scams, ikinababahala ng mga eksperto ang naturang usapin sapagkat nakikita nila na maaaring mas lalo pa itong ikapahamak ng mga mamamayan gaya ng nangyayari sa ibang mga bansa tulad na lamang sa Mexico kung saan ay naibenta sa Dark Web ang link ng SIM Card Registration matapos itong mag-leak online, na nagtulak sa paglaganap ng mga kidnappings at extortion calls sa nasabing bansa.
Maliban pa rito ay idiniin din ni Nazareno na malaking kapahamakan sa mga mamamayang Pilipino kung sa pamamagitan ng SIM Card Registration Act ay mali-leak lamang ang mga personal information at data na maaaring makuha ng mga hackers, lalo na dahil magiging online ang naturang registration para sa mga SIM Cards.
Kaugnay naman nito ay idiniin naman ni Nazareno na kulang at minadali ang naging pag-diskurso ng Kamara sa pagsulong ng RA 11934 lalong lalo na dahil hindi pa gaanong matatag ang cybersecurity ng bansa upang masiguro ang kaligtasan ng sambayanang Pilipino.
Pagsasaad nito na dapat ay mas masusi pang binusisi ng Palasyo at Kamara ang pagpasa sa naturang batas dahil nakasalalay dito ang data security at privacy ng bawat Pilipino partikular na kung magkakaroon ng online database na isa sa mga madalas na pangunahing target ng mga hackers dahil narito lahat ng importanteng detalye tungkol sa isang indibidwal gaya na lamang ng address at financial profile nito.
Nagpahayag din si Nazareno ng pangamba na ayon sa nilagdaang batas ng Punong Ehekutibo ay ang mga telecommunications company ang hahawak sa registraton ng mga SIM Cards, partikular na dahil isa rin ang mga telcos sa highest priority ng maraming hackers sa mundo.