Nalasap ng Philippine women’s football team ang ikalawang sunod na pagkatalo sa 2026 AFC Women’s Asian Cup matapos pataubin ng South Korea, 0-3, sa Gold Coast Stadium.
Nadomina kasi ng South Korea ang torneo, na kasalukuyang world No. 22, nang makapuntos si Jeon Yu-Gyeong sa 12 minutes ng laro matapos ang left-footed shot mula sa loob ng penalty box sa tulong ni Kim Shin-Jin.
Tatlong minuto lamang ang lumipas nadagdagan agad ang kalamangan ng Korean team nang magpakawala si Park Seo-Jeong ng right-footed shot na tumama sa top right corner ng goal mula sa assist ni Choo Hyo-Joo.
Patuloy na namayagpag ang South Korea sa unang bahagi ng laban at muntik pang makapuntos si Jeon sa ika-20 minuto ng laro, ngunit hindi ito pinayagan dahil sa offside.
Sinubukan namang bumawi ng Pilipinas, na nasa world No. 41 ranking, nang magpakawala si Carleigh Frilles ng malakas na tira mula sa labas ng penalty box, ngunit nasalo ito ng goalkeeper na si Kim Min-Jung.
Nagpakita rin ng matibay na depensa ang goalkeeper na si Olivia McDaniel matapos mapigilan ang ilang tira ng South Korea, kabilang nariyan ang kay Son Hwa-Yeon sa 55 minutes.
Gayunman, tuluyang sinelyuhan ni Mun Eun-Ju ang panalo ng South Korea nang makapuntos siya sa 56 minutes sa pamamagitan ng right-footed shot.
Dahil sa pagkatalo, bumagsak sa huling puwesto ng Group A ang team ng Pilipinas matapos din silang matalo ng Australia, 0-1, sa kanilang unang laban.
















