-- Advertisements --

Inaasahang mas magiging mabilis na ang pagproseso sa mga pasaherong dumarating sa ating bansa kasabay ng pag-upgrade ng Bureau of Immigration (BI) sa electronic gates sa mga paliparan.

Ayon kay Commissioner Norman Tansingco, kasalukuyang isinasagawa na ang pag-upgrade sa lahat ng e-gates o unmanned electronic immigration counters na nakalagay sa mga paliparan sa bansa at nakatakdang bumili ng karagdagan pang units para palitan ang 25% ng manual operations.

Sa oras na ma-upgrade na ang e-gates, ayon kay Comm. Tansingco madaling makokonekta na sa e-gates ang mga datos ng mga pasahero mula sa airlines.

Kapag na-upgrade na kasi ito, matatanggal na ang scanning ng boarding passes kapag ginagamit ang e-gates na magpapabilis sa pagproseso ng arriving passengers.

Ginawa ng BI ang hakbang na ito matapos makatanggap ng reports na ilang mga pasahero ang hindi magamit ang e-gates kung wala pa sa sistema ang kanilang flight record.

Bunsod nito, kinailangan ng mga pasahero na lumipat sa regular counters para manual na maproseso.