Iginiit ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) na ang mga naiulat na kaso ng COVID-19 sa mga kampus, na kinumpirma na ng Department of Education (DepEd), ay resulta ng “kapabayaan” at “mahinang mga hakbang sa kalusugan.
Napansin ng grupo ang kalituhan ng mga regulasyon sa mga kampus sa tuwing may naiulat na kaso ng COVID-19.
Inihayag ni Alliance of Concerned Teachers (ACT) chair Vladimer Quetua na ang mga guro na nagturo sa isang klase kung saan nagkaroon ng positibong kaso ay kinakailangan pa ring magturo sa ibang mga seksyon.
Kung gayon ang mga may sintomas o exposure ay kailangang gumastos para sa RT-PCR (reverse transcription-polymerase chain reaction) test para ma-excuse ang kanilang pagliban sa klasie dahil baka ibawas ito sa kanilang suweldo.
Karamihan aniya sa mga guro ay walang sick leave credits.
Magugunitang, aa pagkumpirma na mayroong mga kaso ng coronavirus sa mga paaralan, sinabi ni Atty Michael Poa, tagapagsalita ng DepEd, na inaasahan na ang nasabing development.
Dagdag pa nito na ang nais nilang maiwasan ay magkaroon ng surge sa COVID-19 cases kaya’t mahigpit nila itong sinusubaybayan.
Sa pamamagitan ng Order No. 39, inatasan ng DepEd ang mga paaralan na magtatag ng sarili nilang surveillance system at makipag-ugnayan nang malapit sa mga lokal na awtoridad sa kalusugan.