Tiniyak ng coaching staff ng national basketball team ng Pilipinas na sapat ang kanilang oras upang pagplanuhan ang timeline ng ensayo nila para sa FIBA World Cup.

Ayon kay Gilas Pilipinas head coach Yeng Guiao, nakatakda nilang simulan ang pagtatakda ng timeline pagkatapos ng drawing of lots sa Marso 16.

Tutukuyin ng draw lots ang magiging groupings ng 32 bansang magtutuos sa nasabing international tournament.

Una nang sinabi ni Guiao na dismayado ito sa pagbawi sa planong paglahok sana ng Gilas sa Jones Cup, maging sa pagsabak ni Andray Blatche sa PBA Commissioners Cup.

Gayunman, bukas umano ang beteranong mentor sa ibang mga opsyon, dahil sa batid daw nitong malaki na ang isinakripisyo ng PBA.