-- Advertisements --

Nilinaw ngayon ni Interior Sec. Eduardo Año na wala pang pinal na desisyon na pumapayag sa mga menor de edad na makapasok sa loob ng mga malls sa gitna ng general community quarantine sa National Capital Region (NCR).

Patuloy pa rin kasi aniyang pinadedebatehan ng mga alaklde sa Metro Manila ang usapin na ito.

Bukod dito, magkakaroon pa aniya ng diskusyon ang Metro Manila mayors sa Philippine Pediatric Society pati na rin sa iba pang mga health experts bago pa man makabuo ng isang resolusyon.

Lunes ng gabi nang sabihin ni Año na posibleng payagan ang mga menor de edad na makapasok sa loob ng mga malls basta kasama nila ang kanilang mga magulang.

Pero nilinaw ng kalihim na bago ito ay kailangan muna na magkaroon ng isang local ordinance.

Kahapon, sa isang panayam, sinabi naman ni National Capital Region Police Office acting chief Police Brigadier General Vicente Danao, na bawal pa ring gumala ang mga menor de edad, lalo na sa mga GCQ areas.

Sang-ayon si Año sa sinabi ni Danap, dahil mas mainam pa rin talaga kung kontrolado ang bilang ng mga tao sa labas sa gitna ng pandemya.

Samantala, sinabi naman ni Joint Task Force COVID Shield commander Police Lieutenant General Cesar Hawthorne Binag na naghahanda na ang pulisya sakali man payagan nang makapunta sa mga malls ang mga menor de edad.