Ikinatuwa ng ilang senador ang naging desisyon ng Malacañang na payagan ang mga local government units (LGUs) na bumili ng COVID-19 vaccine sa ilalim ng tripartite agreement ng LGUs, national government at pharmaceutical firms.
Ang hakbang na ito ay para raw masiguro na lahat ng Pilipino ay mababakunahan kahit hindi kasama sa priority list ng pamahalaan.
Ayon kay Senator Francis Tolentino, chairperson ng Senate Committee on Local Government, ang pagpapabakuna sa karamihan ng mga Pilipino ay mahalagang hakbang umano upang maabot ang herd immunity laban sa nakamamatay na virus.
Nitong nagdaang linggo lamang ay ilang alkalde na ng Metro Manila ang nagpahayag ng kanilang plano at budget para makabili ng COVID-19 vaccine na ipapamahagi sa kanilang mga nasasakupan.
Hindi lang daw dapat ipagmalaki ang inisyatibong ito ng mga lokal na pamahalaan ngunit dapat ay tularan din aniya ito ng iba pang LGUs.
Batay umano sa Local Government Code (LGC), may probisyon na nakapaloob dito para sa basic health services alinsunod na rin sa standards at criteria na inilatag ng Department of Health (DOH).
Samantala, ipinaliwanag din ng senador na walang nakasaad sa batas o sa Executive Order No. 121 na ipinagbabawal sa mga LGUs ang pagbili o limitahan ang kanilang pagbili ng bakuna.
Ito ay kasunod na rin ng naging pahayag ni Department of Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Jonathan Malaya na kung isasama ng mga LGUs ang kanilang mga residente na hindi naman ikinokonsidera bilang priority recipients sa COVID-19 vaccination program ng gobyerno ay maaari silang bumili ng mga bakuna na inaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA).