Inihayag ni Cebu City Vice Mayor Michael Rama na dadagdag lang sa problema ang pagpataw ng mataas na multa sa mga quarantine violators at hindi malulutas ang patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Mas lalo lang umanong tataas ito kung ikukulong ang mga lumabag at pagmumultahin.
Aniya, disiplina sa sarili ang pinakamahusay na solusyon upang masugpo ang dumaraming bilang ng mga kaso ng nasabing virus.
Ipinakilala din ni Rama ang protocol enforcement marshall (PEM) platform na tinawag na WUHAN na nangangahulugang Wash your hand, Use your face mask, Have your temperature checked, Avoid crowded places, and Never touch your face including the mouth, eyes, and nose.
Maliban dito, dapat ding sanayin ng publiko ang disiplina sa sarili sa pamamagitan ng hindi pakikipag-usap habang kumakain partikular sa mga restaurant at maging sa bahay upang maiwasan ang pagkahawaan.
Samantala, sinabi ni DILG Undersecretary Epimaco Densing III na maaari pa umanong sumunod sa probinsiya ng Cebu ang Cebu City, Mandaue, at Lapulapu na tanging medical certificate lang ang kinailangan sa pagpasok ng mga turista. Dapat lang umanong magsumite ng EO sa DILG upang isailalim sa pagsusuri.
Nauna nang naglabas ng Executive Order (E.O) si Gobernador Gwendolyn Garcia na hindi na kinailangan ang RT-PCR para sa mga turista at manlalakbay na tutungo sa Lalawigan ng Cebu.