-- Advertisements --

Pinaiimbestigahan ni Samar Rep. Edgar Mary Sarmiento sa House Committee on public order and safety ang pagkakapaslang kay Calbayog City Mayor Ronaldo Aquino at iba pang mga indibidwal kahapon, Marso 8, 2021.

Sa isang panayam, sinabi ni Sarmiento na hindi malinaw sa kanya kung bakit sinasabing mga pulis ang nasa likod nang pagkamatay ni Aquino.

Kung totoo man kasi ang operasyon ng mga pulis na ito eh bakit nakasuot daw ng bonnet at bakit mataas na kalibre ng baril ang gamit ngmga ito.

Nauna nang napaulat na sina Aquino at mga kasama nito ay lulan ng kanilang van nang sila ay paulanan ng bala sa Laboyao Bridge sa Barangay Lonoy.

Akala raw ng kampo ni Aquino na sila ay sinusundan ng isa pang sasakyan kaya nagpaputok sila rito.

Nalaman na lamang na mga pulis pala ang lulan ng pinaputukang sasakyan nina Aquino, na gumanti naman nang paputok ng baril sa kampo ng alkalde.

Sa ngayon, mayroon nang task group na binuo para magimbestiga sa insidente.

Pero ayon kay Sarmiento, mas mainam na ang National Bureau of Investigation na lamang sana ang humawak sa kasong ito.