-- Advertisements --

Ikinatuwa ni AGRI Party-list Rep. Wilbert T. Lee ang pagpasa sa House Bill 6680 na naglalayong pagaanin ang epekto ng mga natural na kalamidad sa mga apektadong agrarian reform beneficiaries sa pamamagitan ng pagkakaloob sa mga ito ng full insurance coverage.

Sinabi ng mambabatas na ito ay isang malaking panalo para sa mga agrarian reform beneficiaries, partikular duon sa mga nakatira sa mga lugar na vulnerable sa epekto ng climate change.

Punto ni Cong. Lee na ang nasabing panukala ay crucial para sa food security efforts ng gobyerno dahil binibigyan nito ng tiyansa ang mga magsasaka na maka rekober mula sa kalamidad.

Nauna nang inaprubahan ng Kamara ang HB 6680, na nag-aamyendahan sa Republic Act 6657, o ang Comprehensive Agrarian Reform Law of 1988, upang maisama ang probisyong pagbibigay ng full insurance coverage sa layuning maibalik ang pagkalugi sa lahat ng kwalipikadong agrarian reform beneficiaries na aktibong namuhunan sa anumang lumalagong pananim o stock sa mga fishery farm, production input, livestock, at iba pang farming implements.

Kasama sa mga compensable losses ang mga nalugi dahil sa sakuna, plant diseases, mga napesteng pananim, at pagkawala ng buhay o pinsala sa mga kwalipikadong benepisyaryo dahil sa aksidente o alinman sa mga nabanggit na dahilan.

Sa pagpasa ng HB 6680, si Lee ay nagpahayag ng pag-asa na aaprubahan din ng Kamara ang kanyang panukalang paggawa ng mandatory insurance para sa palay at iba pang mahahalagang pananim.

Ang House Bill 1298 ni Lee ay ginagawang mandatory ang insurance para sa mga itinuturing na “essential crops” at nagbibigay ng legal na batayan para sa National Food Authority na sagutin ang premium para sa mga mahihirap na magsasaka na napapailalim sa pantay na bahagi sa mga nalikom sa insurance.