Inalala ng Archdiocese of Cebu ang pagbisita ni Pope Leo XIV na dating si Cardinal Robert Francis Prevostsa sa Pilipinas noong 2004 at 2010 ito’y matapos mahalal bilang ika-267 na Santo Papa ng Simbahang Katolika.
Ayon sa Archdiocese of Cebu, si Pope Leo XIV, na noo’y Prior General ng Order of Saint Augustine, ay bumisita sa Mohon, Talisay City noong 2004 upang basbasan ang isang Augustinian friary.
Bumalik siya sa bansa noong 2010 para sa isang pulong ng mga lider ng Augustinian at nagdaos ng Misa sa San Agustín Church sa Intramuros, Maynila.
Si Pope Leo XIV ang kauna-unahang Santo Papa mula sa Order of Saint Augustine, unang ipinanganak sa Amerika (Chicago, USA), at pangalawang papa na nag mula sa kontinente ng America matapos si Pope Francis. Nahalal siya nitong Mayo 8 (oras sa Maynila), matapos ang pagkamatay ni Pope Francis noong Abril 21, 2025.
Hinimok ng Archdiocese of Cebu ang mga parokya na magsagawa ng “Mass for the Pope” bilang pasasalamat, at idagdag ang kanyang pangalan sa mga panalangin sa Misa.
Samantala, nagpahayag naman ng tuwa si Fr. Genesis Labana, isang Augustinian priest, na minsang nakasama si Cardinal Prevost bago ito naging Santo Papa.