Sisikapin ng Department of Labor and Employment (DOLE) katuwang ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at iba pang mga ahensya ng pamahalaan na mapauwi ang lahat ng nasa 24,000 stranded OFWs sa kanikanilang mga lugar bago ang itinakdang deadline ni Pangulong Rodrigo Duterte na sa Hunyo 1, 2020.
Sa pagdinig ng House Committee on Labor and Employment, sinabi ni Labor Sec. Silvestre Bello III na dadagdagan nila kada araw ang bilang ng mga pinapauwing OFWs na negatibo sa COVID-19 at may hawak nang certificate mula sa Bureau of Quarantine.
Ayon kay Bello, noong Lunes, May 25, aabot sa 2,900 OFWs mula sa iba’t ibang quarantine facilities sa Metro Manila ang nakauwi na sa kanikanilang mga lugar lulan ng mga commissioned bus at charter flights.
Kahapon naman ay nasa humigit kumulang 4,000 OFWs pa ang nakuwi, at inaasahan nilang tataas pa ang bilang ng mga ito sa mga susunod na araw.
Sinabi ni Bello na may kinuha na silang mga barko para tumulong sa pagpapauwi ng mga stranded OFWs sa Metro Manila.