-- Advertisements --

Hinihikayat ng isang eksperto ang pangkalahatang populasyon ng bansa na magpabakuna na ng ikalawang booster dose upang mapanatili ang wall of immunity laban sa COVID-19.

Ito ay matapos na ianunsiyo ni Deparment of Health officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na pinapayagan ng magpabakuna ng ikalawang COVID-19 booster shots ang malulusog na adults edad 18 taonggulang pataas at inaasahang mailalabas na ang implementing guidelines nito ngayong linggo.

Ayon kay Infectious diseases expert Dr. Rontgene Solante ang mga indibidwal na nakatanggap ng unang booster shots anim na buwan na ang nakalipas ay wala ng sapat na proteksyon laban sa coronavirus disease.

Kung kayat malaking bagay na pinayagan na ring maturukan ng ikalawang booster shot ang general population na bagamat mababa ang posibilidad na magkaroon ng malubhang sakit ay makakatulong ito para mapanatili ang wall of immunity ng populasyon sa bansa.

Paliwanag pa ni Dr. Solante na ang ikalawang booster ay magbibigay sa publiko ng 60% hanggang 70% na proteksiyon laban sa malubhang impeksiyon ng virus.

Ayon naman kay Health OIC Vergeire, ang mga brand ng covid-19 vaccines na Pfizer, Moderna at Astrazeneca ang gagamitin para sa pagbabakuna ng ikalawang booster dose.

Samantala base sa latest data ng DOH, nasa 78.4 million Pilipino na ang fully vaccinated kontra covid19 habang nasa 23.8 million indibidwal naman ang nakatanggap ng unang booster shots.