Papaigtingin pa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng Philippine Coast Guard (PCG) ang pagpapatrolya sa may Iroquois Reef sa West Philippine Sea (WPS) sa mga susunod na araw matapos na mamataan ang kumpulan ng nasa 48 barko ng China sa naturang lugar.
Ito ang binigyang diin ni PCG spokesperson for the West Philippine Sea (WPS) Commodore Jay Tarriela upang matiyak na lilisanin ng mga Chinese maritime militia ang nasabing reef.
Aniya ang Iroquois reef ay 128 nautical miles lamang ang layo mula sa Palawan at pasok ito sa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas.
Posibleng magdeploy ang PCG ng 97-meter at 44-meter coast guard vessels nito para sa follow-up operations upang maitaboy ang mga barko ng Tsina mula sa teritoryo ng ating bansa.
Una ng sinabi ni Lieutenant Karla Andres, co-pilot ng Philippine Navy’s light patrol aircraft, na aabot sa 48 Chinese fishing vessels ang namataan malapit sa reef sa isinagawang air patrol noong Hunyo 30 na nakagrupo ng tig-5 hanggang 7 barko subalit wala namang naobserbahang fishing activities ang mga ito sa lugar.