-- Advertisements --
bigas palengke rice

Matapos ang kontrobersyal na pag-amin ng mga opisyal ng Kagawaran ng Pagsasaka na hindi kayang abutin ang P20.00 kada kilo na presyuhan ng palay, tinukoy ngayon ng National Economic and Development Authority ang mga magsasaka ng bansa bilang susi para maabot ang naturang presyuhan.

Sa naging pahayag ni Sec. Arsenio Balisacan, kailangan aniyang magtulungan ang mga magsasaka para mapataas ang production ng bansa sa bigas, upang maabot ang P20.00 na kada kilong presyo ng bigas sa bansa.

Katwiran ng Kalihim, ang mataas na produksyon ay tiyak na magpapababa sa presyo ng bigas, na siyang pinakahahangad ng maraming mga konsyumer.

Tinukoy ng kalihim ang mababang produksyon sa kada ektarya ng palayan sa bansa.

Batay kasi sa datus, umaabot lamang umano sa apat na tonelada ang naaaning bigas sa kada ektarya ng palayan dito sa Pilipinas.

Malayong mas mababa ito kumpara sa pitong tonelada ng bigas na naaani sa kada ektarya ng palayan sa ibang bansa.

Ayon kay Sec. Balisacan, kung nangako man si Pang. BBM na mapababa ang presyo ng bigas sa bansa, dapat itong tingnan sa anggulo ng mas mataas na produksyon.

Kailangan lamang aniyang mabigyan din ng sapat na tulong ang mga magsasaka upang maabot ang nasabing target.

Maalalang naging pangako ni Pang. BBM ang P20.00 na presyuhan sa kada kilo ng bigas noong siya ay nangangampanya pa lamang.

Gayonpaman, nang sumalang sa pagdinig ng kanilang 2024 budget ang mga matatas na opisyal ng DA, inamin ng mga ito na hirap pa ring makamit ang food security, kasama na ang P20.00/kilo na presyo ng bigas.