CAUAYAN CITY- Huli na ang pagpapalabas ng desisyon tungkol sa disqualification case laban kay presidential aspirant Bongbong Marcos dahil nakasali na ang kanyang pangalan sa balota.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Professor Ramon Casiple, political analyst, sinabi niya na nakababahala na hindi pa naglalabas ng desisyon ang 1st division ng Comelec dahil sa susunod na linggo ay panahon na ng kampanya ng mga national candidates.
Delayed na aniya ang desisyon ng Comelec dahil kung susundin ang rules nito ay lumalabas na hindi nagagawa ang trabaho.
Ayon kay Professor Casiple, ang isyu ngayon ay kung may nag-aantala sa pagpapalabas ng desisyon.
Ang dapat gawin ng Comelec ay ilabas na ang desisyon dahil lampas na ang deadline.
Dapat ding malaman muna ang desisyon bago maituro kung sino ang nagsasabi ng totoo sa dalawang nagbabangayang commissioner na sina Rowena guanzon at Aimee Ferolino dahil magkaiba ang kanilang bersiyon.
Matatandaang unang sinabi ni Guanzon na bumoto siya pabor sa disqualification case laban kay Marcos.