-- Advertisements --
image 237

Inihayag ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ang desisyon na ipagpaliban ang buong pagpapatupad ng bagong lifeline rate program hanggang Enero 2024 ay magbibigay-daan sa pagpapatala ng mas maraming benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Ang buong rollout ng programa ay unang naka-schedule para sa Setyembre, ngunit naantala dahil sa mababang pagpaparehistro.

Ayon kay DSWD Assistant Secretary Romel Lopez, tinatanggap ng DSWD ang desisyon na ilipat sa Enero 2024 ang buong pagpapatupad ng lifeline rate program.

Ito aniya ang magiging paraan sa mas maraming benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program at iba pang kwalipikadong mahihirap na sambahayan na maka-avail ng mga diskwento sa kanilang mga singil sa kuryente.

Ang Department of Energy (DOE), Energy Regulatory Commission, at ang DSWD ay lumagda sa isang tripartite advisory na nagpapaliban sa buong rollout ng lifeline rate program sa Enero 2024.

Ang mga kwalipikadong benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program sa ilalim ng lifeline rate program ay dapat magkaroon ng buwanang konsumo ng kuryente na 100 kWh o mas mababa para makuha ang diskwento mula 20 hanggang 100 porsiyento sa kanilang singil sa kuryente sa Meralco depende sa kanilang aktwal na konsumo.

Ang naturang subsidy ay ibinibigay sa ilalim ng Republic Act (RA) 11552, na kilala rin bilang Act Extending and Enhancing the Implementation of the Lifeline Rate, na nag-amyendahan sa Section 73 ng RA 9136 o ang Electric Power Industry Reform Act.