-- Advertisements --

Maglalabas na ng desisyon ang Impeachment Court sa Lunes, Hulyo 20, hinggil sa kahilingan ng House prosecution panel na i-subpoena ang tax, bank, at Anti-Money Laundering Council (AMLC) records ni Vice President Sara Duterte at ng kaniyang asawang si Atty. Mans Carpio.

Ang magiging desisyon ay kasunod ng isinagawang caucus ng mga senator-judge nitong Miyerkules ng hapon.

Ayon kay Presiding Officer Francis ”Chiz” Escudero, nagkasundo ang mga senador na bigyan ng sapat na panahon ang bawat isa upang pag-aralan ang mga “complicated issues” na may kaugnayan sa pagpapalabas ng subpoena.

“The senator-judges agreed in caucus to decide on the matter on Monday and that on Monday, senator judges who wish to ask the parties questions will be afforded the time to ask these questions again on both sides,” pahayag ni Escudero.

Samantala, iniurong naman ng House prosecution panel ang pagpapatawag sa lima sa kanilang natitirang testigo kaugnay ng Article 4 ng impeachment complaint, na tumatalakay sa umano’y pagbabanta ni VP Sara laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.

Kaugnay nito sinabi ni Atty. Michael Poa, isa sa mga abogado ni VP Sara na hindi nila hinaharang ang pagpapalabas ng financial records ng Ikalawang Pangulo ngunit malinaw umano ang naging posisyon ng Korte Suprema hinggil sa usapin ng privacy at proseso nito, kaya ito lamang ang kanilang ipinapaalala sa mga senator-judges na masusing suriin ang kanilang desisyon.

“Hindi tayo takot sa dokumento. Ang gusto lang natin ay ‘yung naaayon sa batas,” pahayag ni Poa sa isang panayam matapos ang pagdinig.