-- Advertisements --
image 149

Iginiit ng Office of the Executive Secretary na may legal na basehan ang pagpapalabas ng P221.4 million confidential funds para sa Office of the Vice President (OVP).

Ginawa aniya ang disbursement ng pondo alinsunod sa Special Provision No.1 sa ilalim ng fiscal year 2022 Contingent Fund.

Sa ilalim ng naturang probisyon, awtorisado ang Pangulo na aprubahan ang disbursement para masaklaw ang kinakailangang pondo para sa bago o urgent activities ng national government agencies na kailangang maipatupad sa naturang taon.

Ipinaliwanag din ng office of the Executive Secretary na kinikilala ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pangangailangan na maglabas ng naturang pondo para matulungan ang OVP sa inisyatibo nito kalakip ang rekomendasyon ng Department of Budget and Management.

Una ng inihayag ng Presidential Communications Office sa isang statement na humiling ang OVP ng naturang halaga upang mapondohan ang maintenance and other operating expenses (MOOE) items gaya ng financial assistance/subsidy na nagkakahalaga ng PHP96.424 million at confidential funds para sa bagong tatag na satellite offices na nagkakahalaga naman ng PHP125 million.

Matatandaan na, una ng kinuwestyon ni House Deputy Minority leader at ACT Teachers party-list Rep. France Castro ang nagastos ng OVP na PHP125 million sa confidential funds sa nalalabing buwan ng 2022 na ginastos umano ng OVP sa loob lamang ng 19 na araw dahil nailabas lamang ang pondo noong Dec. 13, 2022.