-- Advertisements --

Patuloy na nadadagdagan ang bilang ng mga Overseas Filipino Workers na nagpahayag ng kagustuhang ma-repatriate at makabalik ng Pilipinas dahil sa walang humpay na kaguluhan sa pagitan ng Israel at Iran.

Ayon kay Department of Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, aabot na ngayon sa 109 OFWs ang nagpahayag ng kagustuhang umuwi ng Pilipinas.

Ani ng kalihim, walang patid ang gobyerno ng Pilipinas sa pagsasagawa ng ground assistance sa mga apektadong Pilipino kabilang na ang pagbibigay ng tulong sa isang Pinay na malubhang nasugatan at ngayon ay nagpapagaling sa isang ospital sa Israel.

Nagpaabot na rin ng tulong ang ahensya sa labing apat na Pilipino na apektado ng kaguluhan habang ang ilan ay namamalagi sa temporary accommodations ng ahensya.

Masayang ibinalita naman ng kalihim na wala nang bagong naitala na nasugatan na Pilipino sa kabila ng kaliwat-kanang pag-atake.

Wala namang patid ang koordinasyon ng lahat ng mga concerned agencies .

Aminado si Cacdac na kumplikado ang repatriation dahil na rin sa saradong mga airspace at airport restrictions dulot ng giyera sa pagitan ng dalawang bansa.