Nananawagan ang grupo ng mga guro sa Department of Education (DepEd) na paikliin ang oras ng klase at suspendihin muna ang paggamit ng mga uniporme sa paaralan para sa mga mag-aaral at guro sa gitna ng matinding init na nararanasan ngayon sa bansa.
Sa isang pahayag, sinabi ni Teachers’ Dignity Coalition National Chairperson Benjo Basas na bagama’t pinahintulutan ng DepEd ang mga school head ng paaralan na suspindihin ang face-to-face classes dahil sa mainit na panahon ang tanging opsyon na ibinigay ng ahensya ay ang lumipat ang mga ito sa modular distance learning.
Dahil dito, nag-aalangan ang ilang school head na suspendihin ang face-to-face classes at ipatupad ang modular learning na hindi aniya ganoon kabisa na nagresulta sa learning gaps sa mga mag aaral.
Sa halip, iminungkahi nito na gawing dalawang linggo ang physical classes sa pagitan ng alas 6 hanggang alas 9 o 10am para sa morning session at 3 p.m. – 6 p.m. naman para sa sesyon sa hapon kung maaaring tumanggap ng double shift ang mga paaralan.
Hinimok din ni Basas ang DepEd na suspindihin ang paggamit ng mga uniporme sa paaralan para sa mga mag-aaral at guro dahil ito ay madalas na hindi komportable kapag mainit ang panahon at maaaring magdagdag sa stress at pagkahapo.
Kayat mainam na magsuot ng disente ngunit komportableng damit ang mga magaaral at guro sa panahon ng tag-init.
Ayon kay Basas, mas mabuting magdesisyon ang school division superintendent na kadalasang namamahala sa mga paaralan sa loob ng isang lungsod o lalawigan dahil pare-pareho ang temperatura sa ilang lungsod at probinsya.
Sinabi pa ng grupo na ang mga solusyong ito ay maaaring ipatupad pansamantala lamang ngunit pagdating sa pangmatagalang solusyon ay dapat na isaalang-alang ang pag-decongest ng mga silid-aralan at pagtiyak ng maayos na bentilasyon sa loob ng mga silid-aralan.