-- Advertisements --

Inaayos na ng Department of Migrant Workers (DMW) ang repatration request ng 223 Overseas Filipino Workers (OFW) sa Israel.

Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac na kasama na rin nilang inaayos ang mga kakailangan sa biyahe ng 30 Filipino na siyang magiging unang batch na uuwi sa bansa.

Ang grupo ng 30 ay kinabibilangan ng 26 FOW na dumating sa Jordan matapos ang pagdaan sa Allenby Bridge at King Hussein Bridge nitong Linggo.

Sa araw ng Martes ay uuwi sa bansa ang 26 na mga OFW na sasamahan pa ng tatlong Pinoy mula sa Jordan at isa mula sa West Bank.

Tiniyak naman ni Cacdac na ang mga uuwing OFW ay makakatanggap ng sapat na tulong mula sa gobyerno.

Pagdating sa bansa ay mabibigyan sila ng P150,000 na financial assistance, training vouchers mula sa Technical Education Skills Development Authority (TESDA), allowances, psychosocial counseling at post-arrival medical check-ups.

Sa kasalukuyan ay nasa Alert Level 3 ang Israel at Iran dahil sa patuloy na labanan.

Dahil dito ay pinayuhan nila ang mga Pinoy sa Israel na ikonsidera ang repatration para hindi sila madamay sa kaguluhan.