Nagpahayag ng labis na kalungakutan ang Malacañang matapos pumalo na sa 60,000 mark ang COVID-19 cases sa bansa kung saan nilagpasan na nito ang naunang projection ng mga eksperto mula sa University of the Philippines (UP) sa katapusan ng Hulyo.
Ngayong hapon, iniulat ng Department of Health (DOH) na may bagong 1,841 cases at umabot na sa 63,001 ang COVID-19 cases sa bansa.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, nakakalungkot dahil sa ngayon ay nagkatotoo na kahit hindi pa natatapos ang buwan.
Ayon kay Sec. Roque, patuloy nilang hinihikayat ang mga Pilipino na sundin ang mga minimum public health standards gaya ng social distancing, pagsusuot ng face masks at palagiang paghuhugas ng kamay para mapabagal ang pagkalat ng virus.
Magugunitang umani ng batikos ang pagdedeklara kamakailan ni Sec. Roque ng tagumpay nang hindi umabot sa 40,000 ang COVID-19 cases na una ng projection o pagtaya ng UP researchers.
Sa ngayon, batay sa bagong pagtaya ng mga UP researchers, papalo sa mahigit 85,000 ang COVID-19 cases sa bansa sa katapusan ng Hulyo.