Ikinatuwa ng Department of National Defense (DND) ang pagkakalusot sa third and final reading sa Kamara ng panukalang batas na nagtatakda ng mandatory Reserved Officer’s Training Corps (ROTC) sa mga Grade 11 at Grade 12 na estudyante.
Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, umaasa siyang magtutuloy-tuloy na ang pagpasa nito sa Senado hanggang sa mapirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte para maging isang ganap na batas ito.
Ssa pamamagitan aniya ng pagbabalik ng ROTC, mapananatili nito ang pagmamahal sa bayan, gayundin ang paggalang sa karapatang pantao, pagiging mabuting mamamayan, at ang pagtataguyod sa Rule of Law
Sa panig naman ng Armed Forces of the Philippines (AFP), welcome development ang pag-apruba ng Kongreso sa pagbuhay sa ROTC sa mga senior high schools.
Ayon kay AFP spokesperson Marine B/Gen. Edgard Arevalo, layunin nila na maitatatak sa kaisipan ng mga kabataan ang pagsunod sa batas at paggalang sa lahat ng mga kinauukulan.
Naniniwala naman si Arevalo na sa simpleng disiplinang matututunan ng mga kabataan, malaki ang maitutulong nito para maghubog ng mga bagong pinuno ng bansa na may dignidad at labis na pagmamahal sa bansa.