Binigyang diin ng Presidential Communications Office (PCO) na maaaring tumagal pa ng 30 araw bago matapos ng gobyerno ang huling yugto ng paglilinis sa oil spill sa Oriental Mindoro.
Sinabi ito ni Communications Secretary Cheloy Garafil matapos dumating ang Dynamic Support Vessel (DSV) Fire Opal na kukuha ng natitirang langis mula sa lumubog na MT Princess Empress.
Sa isang pahayag, sinabi ni Garafil, na binanggit ang iba’t ibang mga ulat mula sa mga opisyal ng gobyerno, na tatapusin ng DSV Fire Opal ang huling yugto ng paglilinis na maaaring tumagal ng isang buwan.
Ayon naman kay Philippine Coast Guard (PCG) Commandant Admiral Artemio Abu na inaasahan nilang matatapos ang pagkuha sa loob ng 20 hanggang 30 araw.
Kung matatandaan, inaasahan ni Pangulong Marcos na ang paglilinis ay gagawin sa loob ng apat na buwan.
Ang nasabing barko ay inaasahang darating sa Batangas ngayong araw at magpapatuloy ito sa itinalagang lugar para sa paglilinis ng oil spill.
Ang DSV Fire Opal ay chartered ng Malayan Towage & Salvage Corporation at kinontrata ng Protection & Indemnity Insurance Club (P&I).
Una nang sinabi ni Galvez na nakapagtala ang OCD ng kabuuang 6,801 liters ng oil waste at 300,603 liters ng oil-contaminated waste na nakolekta sa pamamagitan ng pagsisikap ng iba’t ibang ahensya at organisasyon.