-- Advertisements --

Nilalayon ngayon ng Department of Migrant Workers (DMW) na lumikha ng special hotline para sa mga distressed pregnant Overseas Filipino Workers (OFWs).

Idinulog ni DMW Secretary Susan Ople ang naturang ideya sa isinagawang pagdinig ng Senate finance subcommittee matapos na magpahayag ng pagkabahala si Senator Risa Hontiveros na ilang pregnant OFWs ang pinipwersa ng kanilang recruiter o employer na magpalaglag.

Sinabi din ni Ople na nababahala din ito sa mga unwanted pregnancies na humahantong din sa abortions. Kayat panahon na aniya para magkaroon ng special hotline kung saan maaaring dumulog ang mga nagdadalang-tao at kapag nasa stage of confusion o hindi na alam ng OFWs ang kanilang gagawin.

Para matulungan din ang mga OFWs, plano ng DMW na magpatupad ng tinatawag na country-specific work contracts.

Ayon kay Ople kailangan ito dahil sa magkakaibang polisiya ng bawat bansa alinsunod na rin sa naging bilateral agreement sa Saudi Arabia at naiisip na gawin sa iba pang mga bansa.

Paliwanag ng kalihim na dati may iisang kontrata na sinusunod para sa lahat ng mga bansa subalit nabatid na may kanya-kaniyang labor rules at regulation ang bawat bansa.