Isinusulong ng Department of Finance (DOF) ang pagtatag ng isang sovereign wealth fund (SWF) para maprotektahan ang mga pinaghirapang pera ng mga investor sa bansa.
Ayon kay Finance Secretary Benjamin Diokno ang panukalang sovereign fund ay nabuo nang ito pa ay tumatayong governor ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) para mapangalagaan ang hinaharap na henerasyon.
Sa ngayon kasi ang mga bansang mayroon ng sovereign wealth fund ay ang mga bansang Australia, Singapore, Norway at kamakailan lamang ay nagkaroon na rin sa bansang Indonesia.
Katuwang naman ang interagency committee na Department of Budget and Management (DBM) at National Economic and Development Authority (NEDA) sa pagbalangkas ng naturang panukala para sa paglikha ng sovereign wealth fund.
Ipinanukala din ni Diokno na dapat magkaroon ng isang government council na independent mula sa gobyerno nang sa gayon kahit na sino ang maging Pangulo ng bansa ay hindi ito makikialam sa paggamit ng nasabing pondo.
Ang mga miyembro aniya na itatalaga sa naturang council ay magtatagal ng pitong tao sa konseho upang hindi ito magtugma sa termino ng pangulo.
Liban pa sa mga pribadong sektor, ang mga foreign investors ay iimbitahan para mag-invest sa sovereign wealth fund.
Para aniya maprotektahan ang pondo at maiwasang maulit ang pagkalugi ng Malaysian state-owned investment fund, sinabi ni Diokno na mayroong safeguards gaya ng total independence o ganap na kasarinlan mula sa gobyerno.
Ang sovereign wealth fund ay ang pondo ng pamumuhunan na pag-aari ng estado na namumuhunan sa mga real at financial asset tulad ng mga stock, bond, real estate, precious metals, o sa mga alternatibong pamumuhunan tulad ng pribadong equity fund o hedge fund. Namumuhunan din ito sa sa buong mundo. Karamihan sa mga SWF ay pinopondohan ng mga kita mula sa mga commodity export o mula sa foreign-exchange reserves na hawak ng central bank.