Ganap nang isang batas ang paglikha ng Office of the Judiciary Marshals.
Ito ay nakapaloob sa Republic Act 11691 na inaprubahan at nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Abril 8, ng kasalukuyang taon.
Sa ilalim ng batas, ang Office of the Judiciary Marshals ay isasailalim sa control at pangangasiwa ng Korte Suprema sa pamamagitan ng Office of the Court Administrator.
Ito ang responsable sa seguridad, kaligtasan at proteksyon ng mga miyembro, opisyal, personnel at mga ari-arian ng hudikatura, kabilang na ang integridad ng mga korte at proceedings.
Kabilang sa kapangyarihan ng bagong tanggapan ay magsagawa ng pagtaya sa mga banta, mag-imbestiga ng mga krimen at magsagawa ng forensic analysis sa mga kasong kinasasangkutan ng mga mahistrado, huwes, court officials and personnel, halls of justice, courhouses, court buildings at iba pang court properties.
Kasama rin dito ang pag-imbestiga sa mga alegasyon ng iregularidad, tulad ng graft and corruption na ibinabato laban sa mga mahistrado, huwes, court officials and personnel.
Pamumunuan ng isang chief marshal at tatlong deputy marshalls ang Office of the Judiciary Marshals na itatalaga ng Supreme Court en banc.
Ang chief marshal, deputy mashals, officials at personnel ng Office of the Judiciary Marshals ay magsisilbi hanggang maabot ang edad na 65-anyos maliban na lamang kung sila ay maagang mawalan ng kakayahang gampanan ang kanilang tungkulin o sila ay sinibak sa pwesto dahil sa mabigat na dahilan sang-ayon sa boto na hindi bababa sa walong mahistrado ng Korte Suprema.