Pinahintulutan na ng Department of Agriculture (DA) ang paglalabas ng imported refined sugar na nauna ng pinuna ng Bureau of Customs (BOC) dahil sa wala itong permit nang dumating sa bansa noong Pebrero 9.
Sa isang memorndum kay Administrator David Alba ng Sugar Regulatory Administration (SRA) na may petsang Pebrero 27, sinabi ni Agriculture Senior Undersecretary Domingo Panganiban na maaari ng mag-isyu ang sugar agency ng “clearances for the release of imports” sa tatlong international traders.
Paliwanag ni Panganiban na sa bisa ng Sugar Order No 6 series of 2022-2023, pinayagan na ang alokasyon ng asukal at base sa memo mula sa office of the Executive secretary, maaari ng maglabas ng imported sugar kung saan nasa 240,000 MT para sa All Asian Countertrade Inc., 100,000 MT para sa Edison Lee Marketing Corp. at 100,000 MT para sa S&D Sucden Philippines Inc.
Kung maaalala, umapela ang nasa tatlong planters federation sa SRA na kumpiskahin ang refined sugar na dumating sa may pantalan ng Batangas noong Pebrero 9 nang walang import order.