Tinawag na unconstitutional at iligal ni dating Senator Panfilo Lacson ang paglahok ng ilang mambabatas sa pagpapatupad ng mga programa ng pamahalaan tulad na lamang ng pamamahagi ng Tulong panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers, Assistance to Individuals in Crisis Situations at iba pang ayuda ng gobyerno.
Ayon sa dating Senador na ang pangunahing obligasyon ng mga mambabatas sa government aid ay busisiin ang taunang National Expenditure Program ng pamahalaan.
Sinundan ito ng responsibilidad ng Kongreso na isabatas ang pambansang pondo at i-authorize ang pamahalaan sa paggamit ng naturang pondo.
Sinabi din ni Lacson na hindi parte ng trabaho ng mga mambabatas ang pagdalo sa mga public event para pangunahan ang pamamahagi ng government aid gaya ng TUPAD, AICS at iba pang mga ayuda.
Pinabasehan ng Senador ang naging desisyon ng Korte Suprema na ang post-enactment allocation ng mga pondo gaya na lamang sa pamamagitan ng Priority Development Assistance Fund ay unconstitutional.