KALIBO, Aklan – Dumating na sa New Delhi, India ang Akeanon beauty queen na magiging kinatawan ng bansa sa prestihiyosong Miss Teen International pageant.

Ang 17-anyos na Akeanon na si Francesca Beatriz Abalajon ang Miss Teen Earth Asia 2019 dahilan na naging pambato ng bansa sa naturang patimpalak.

Ayon kay Mary Jane Abalajon, ina ni Francesca na handa na ang anak sa pagsabak sa kompetisyon na dumating sa New Delhi noong Disyembre 12.

Siya ang pumalit kay Simone Nadine Bornilla, na nakasungkit din ng Miss Teen International Asia and Oceania title na ginanap din sa nasabing bansa.

Makaraang maging second runner-up si Abalajon sa Mutya ng Kalibo Sto. Niño noong buwan ng Enero, naging tuloy-tuloy na ang kanyang pagsali sa iba’t ibang pageants sa Metro Manila, kung saan, kinoronahang Miss Metro Manila 2018 at Mutya ng Luzviminda 2018.

Nabatid na noong 2017, binigyan ng heroes welcome ng Aklan Provincial Capitol si Kathleen Paton na taga-Nabas, Aklan matapos koronahang Miss Teen International na ginanap sa Bangkok, Thailand.