-- Advertisements --
Motor Riders
Motor Riders/ FB post of Lets Ride

Ipinagbawal ng Land Transportation Office (LTO) ang pagkumpiska ng plaka ng mga sasakyan kapag nahuli ng law enforcers na lumabag sa batas trapiko.

Sa isang statement, sinabi ng ahensiya na nag-isyu si LTO chief Jay Art Tugade ng isang memorandum na nagbabawal sa pagkumpiska ng mga plaka bilang tugon sa mga reklamo na natatanggap ng ahensiya.

Kayat upang maiwasan ang kalituhan, lahat ng enforcement personnel at deputized agents ng LTO ay pinagbabawalan ang pagkumpiska ng mga plaka bilang kapalit ng pag-impound sa mga nahuling mga sasakyan.

Saklaw din sa naturang memorandum na sa lahat ng pagkakataon kung saan may ipinapataw na multa kabilang ang pagkumpiska, suspensiyon o pagbawi ng driver’s license o student permit gayundin ang suspensiyon o revocation ng registration ng sasakyan o pag-impound ay dapat na hindi ipatupad hanggang may kaukulang parusa na ipapataw.

Nilinaw din ng LTO na sa bagong kautusan maaaring kumpiskahin lamang ang lisensiya ng driver, student permit o ang mismong sasakyan kapag walang sapat na dahilan para ma-impound ang nahuling sasakyan.

Tiniyak naman ni Tugade sa publiko lalo na ang mga nahuling sasakyan na maaaring dumulog sa central command center ng ahensiya para makipag-ugnayan sa kanilang officers na nasa ground.