KALIBO, Aklan —- Ikinatuwa ng Malay Municipal Tourism Office ang muling pagkilala sa Isla ng Boracay bilang nangungunang isla sa Asya batay sa Conde Naste Traveler (CNT) Readers’ Choice Award.
Ayon kay Felix delos Santos, Chief Tourism Operations Officer ng Malay Tourism Office na malaki itong tagumpay sa isla.
Maliban sa Boracay, nakamit rin ng Palawan ang ika-walong pwesto.
Malaki umano ang kanilang pasasalamat sa naturang international awards para sa Boracay na ibinase sa opinyon at karanasan ng mga travelers mula sa iba’t-ibang bahagi ng mundo.
Aniya, pinapalakas nila ngayon ang kumpiyansa ng mga bisita na ligtas at madali na ang magbakasyon sa Boracay pagkatapos ng ipinapatupad na restrictions dulot ng COVID-19 pandemic.
Dagdag pa ni delos santos na ang pagkilalang ibinigay sa turismo ng Boracay ay nagpapakita na isa itong pangunahing tourist destination na lalo pang makahikayat ng mas maraming mga turista.
Bunga umano ito ng pagtutulungan ng LGU-Malay, mga tourism stakeholders at iba pa.
Nabatid na noong 2012 at 2015 ay nakamit na ng Boracay ang nasabing titulo.