LEGAZPI CITY – Hindi na ikinagulat ng pamilya Batocabe ang paghahain ng certificate of candidacy (CoC) ni dating Daraga Mayor Carlwyn Baldo bilang alkalde ng bayan sa Albay.
Si Baldo ay una nang isinangkot bilang umano’y mastermind sa pamamaslang sa dating kalaban sa puwesto na si Ako Bicol Party-list Rep. Rodel Batocabe at security escort sa isang gift-giving event noong Disyembre 2018.
Ayon kay Atty. Justin Batocabe, anak ng kongresista sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi, taktika umano ni Baldo ang hakbang upang takasan ang mga kinakaharap na kaso partikular na ang two counts of murder at six-counts ng attempted murder.
Sa katunayan nag-request ang kampo ni Baldo na ilipat na ang pagdinig ng kaso sa Legazpi City Regional Trial Court (RTC) Branch 10 mula sa Manila upang makuha umano ang pabor, subalit hindi inaprubahan ng Korte.
Nakapagpiyansa ang dating alkalde ng Agosto 2019 sa halagang P3 million per count ng murder at pansamantalang nakalaya.
Nanawagan naman si Batocabe sa mga nasasakupan na pumili ng maayos na lider ng bayan partikular na ang mga walang mantsa ng iligal na aktibidad.
Nang matanong kung sumagi sa isip nito ang kumandidato sa anumang posisyon tahasang sinabi nito na hindi dahil planong tutukan ang ipinagkatiwalang posisyon ng gobyerno bilang Director ng National Household Targeting Office sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).