CAGAYAN DE ORO CITY – Naniniwala ang militar na tuluyan nang babagsak ang Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) dahil sa pagkamatay ng isa sa mga natitirang most senior officers ng kilusan sa Sitio Gabunan, Barangay Dumalaguing, Impasug-ong, Bukidnon.
Inagahan na kasi ng military joint units ang kanilang operasyon sa pinagkutaan ng mga rebelde kung saan napatay si National Democratic Front Mindanao spokesperson Jorge Madlos alyas Ka Oris kasama ang kanyang babae na medical aide.
Sa pagharap ni 4th ID commander Maj. Gen. Romeo Brawner Jr., inilahad nito na nakipagpalitan pa umano ng mga putok ang puwersa ni Ka Oris subalit hindi nanaig dahil sa aerial at ground assaults ng 403rd Infantry Brigade at Philippine Air Force (PAF).
Sinabi ni Brawner na ang pagkamatay ni Ka Oris na aktibo sa pakikibaka simula dekada 70 sa Caraga region ay hudyat para matigil na ang kanilang panggugulo sa rehiyon ng Mindanao.
Ang 72-anyos na si Ka Oris na taga-General Luna, Surigao del Norte ay kasalukuyang mayroong patong sa ulo na P7.8 milyon dahil sa mga kasong multiple murder, homicide, kidnapping, arson at destruction of property sa magkakaibang korte sa bansa.
Dagdag ng heneral, hindi agad ibinaba ang bangkay ni Ka Oris sa encounter site habang hindi pa lumalabas ang RT-PCR test para masiguro na hindi mahawa ang mga sundalo kung sakali na positibo ito sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Magugunitang unang lumutang ang mga haka-haka na baka nag-imbento lang ang gobyerno ng kuwento ukol kay Ka Oris subalit nakapagkita sila ng ilang larawan na kinunan nga ng anti-COVID-19 test.
Kung maalala, naging venue rin ng ilang beses ang mikropono ng Bombo Radyo Butuan at CdeO sa mga pagde-debate noon nina Madlos at ilang mga tagapagsalita ng 4th ID, Philippine Army ukol sa usaping panlipunan.