-- Advertisements --

Nagbunsod ng mga protesta, tributes at pagkaaresto ng mga protester malapit sa mga embahada ng Russia sa maraming bansa ang pagkamatay ng kritiko ni Russian President Vladimir Putin na si Alexei Navalny habang nasa bilangguan ng Russia.

Nagtipon-tipon ang tagasuporta ng 47 anyos na political activist sa labas ng mga embahada at iba pang sites sa major cities sa iba’t ibang bansa kabilang na sa London, Paris, Geneva at New York.

Sa Berlin, isinisigaw ng mga tao “Putin to the Hague” habang ang mga nagpoprotesta naman sa labas ng embahada ng Russia sa London ay mayroong mga hawak na karatolang may nakalagay na “Navalny is our hero”.

Nasa mahigit 100 katao namang nagtipun-tipon sa harapan ng UN sa Geneva kung saan hawak ng mga ito ang larawan ni Navalny at mga bulaklak.

Naglunsad din ng mga protesta sa Russia kung saan ilang grupo ang nag-alay ng mga bulaklak sa makeshift memorilas sa Moscow at Saint Petersburg.

Kung saan mayroong mahigit 100 nagpoprotesta sa mga kakalsadahan ang ikinulong sa mga siyudad sa Russia.

Maaalala na nitong Biyernes nang inanunsiyo ang pagkamatay ni Navalny habang isinisilbi ang kaniyang sentensiya sa isang bilangguan sa Arctic region mula pa noong 2021 dahil sa politically-motivated charges laban sa kaniya.

Noong Agosto, nahatulang guilty si Navalny sa pagtatag at pagpopondo ng isang extremist organisation na kaniya namang itinanggi at nasentensiyahan ng karagdagang 19 na taong pagkakakulong.

Nauna ng nasentensiyahan si Navalny ng 9 na taong pagkakakulong dahil sa umano’y parole violations nito, fraud at contempt of court.