-- Advertisements --

Naga City – Pagkakapatiran at proteksyon dapat ang naiibigay ng isang fraternity group sa mga kasapi nito at hindi takot.

Iyan ang naging pahayag ni Khikz Rosco Zulueta, miyembro ng Alpha Sigma Phi sa naging panayam ng Bombo Radyo Naga.

Ito’y kaugnay ng hindi katangggap-tanggap na pagkamatay ng isang estudyante ng Adamson University dahil sa hazing.

Maaalala, natagpuan na lamang ang bangkay ni John Matthew Salilig na puno ng indikasyon na dumaan ito sa hazing na nakabaon sa isang bakanteng lote sa Imus Cavite matapos na ituro ng ilan sa mga suspek ang kinaroonan ng katawan ng biktima.

Aniya, ang isang fraternity group ay nagbibigay ng proteksyon sa mga miyembro nito at nagsisilbi bilang isang kapamilya o kapatid kung kaya hindi makatarungan ang sinapit ni Salilig sa kamay ng kaniyang mga kasama sa grupo.

Dagdag pa ni Zulueta, dapat na magkaroon rin ng karampatang aksiyon ang paaralan hinggil sa nasabing insidente ito’y dahil umaasa ang mga magulang na ligtas ang kanilang mga anaka habang nasa loob ng paaralan at nag-aaral at upang hindi na maulit pa ang ganitong klase ng insidente.

Sa ngayon, paalala na lamang ni Zulueta sa lahat ng mga estudyante na nagbabalak na sumali sa anumang fraternity groups na pag-aralan nang mabuti ang gawi, characters at mga programa ng grupo na sasalihan.

Siguraduhin rin na sa una pa lamang ay maiipakita na nito ang pagrespeto sa bawat miyembro upang masiguro ang kanilang kaligtasan at maiwasan na maranasan ng mga ito ang sinapit ng mga naging biktima ng hazing ng iba-ibang fraternity groups sa bansa.